Kasabay ng selebrasyon ng Earth Day ay pormal na ring inilunsad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang proyektong ‘Earth Day Every Day’ na nagsusulong sa pakikiisa ng mga kabataan sa kampanya kontra plastic pollution.
Pinangunahan ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga ang paglulunsad ng proyekto at paglagda sa Pledge of Commitment kung saan katuwang ng ahensya ng SM Supermalls, Nestlé, at Boy Scouts at Girl Scouts of the Philippines.
Ang ‘Earth Day Every Day’ project ay isang kompetisyon sa pangongolekta ng plastic waste kung saan kasali ang mga mag-aaral sa buong Pilipinas upang ituro sa mga ito ang kahalagahan ng pagre-recycle at pagiging responsable.
Sa ilalim nito, maaaring bitbitin ng mga estudyante ang mga nakolektang plastik sa anumang SM Supermalls collection facilities sa Pasay, Marikina, Pasig, Manila at Quezon City at maging sa Bulacan, Pampanga, Cavite, Cebu, at Davao.
Kada buwan, magkakaroon ng papremyo ang klaseng may pinakamataas na puntos batay sa nakolektang plastic. | ulat ni Merry Ann Bastasa