Nakiusap si Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera sa NDRRMC na ipagpaliban muna mga ang earthquake at fire drills na naka-schedule gawin ngayong panahon ng tag-init.
Kasabay nito ay pinaalalahanan din ng mambabatas ang mga school principals at administrators na huwag ibilad sa araw ang mga bata gaya ng sa mga aktibidad na open-air PE classes, NSTP, at katulad na gawain.
Tinukoy nito ang insidente sa Gulod National High School Extension sa Cabuyao Laguna noong nakaraang taon kung maraming estudyante ang naospital matapos ipilit ng principal ang pagsasagawa ng fire drill sa kasagsagan ng init.
Giit ni Herrera, dahil sa mataas na awareness level ng publiko ukol sa heat index at El Niño, marami ang nakaiiwas sa heat exhaustion, heat stroke, at iba pang epekto ng sobrang init.
Ngunit dahil inaasahang titindi pa ang init ngayong April at May, ay dapat na tumulong aniya ang mga Barangay Health Workers at mga opisyal ng barangay sa buong bansa para alalayan ang mga komunidad na lubhang apektado ng matinding init. | ulat ni Kathleen Forbes