Isinasapinal na lamang ng pamahalaan ang guidelines para sa pamamahagi ng fuel subsidy ng gobyerno sa mga Pilipinong magsasaka at mangingisda.
“Inaayos lang dito iyong guidelines sa mga susunod na araw ay ilalabas na rin itong fuel assistance para sa ating mga magsasaka at mangingisda.” —de Mesa.
Pahayag ito ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa sa gitna ng sunod-sunod na oil price hike na nararanasan sa bansa.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, ipinaliwanag ng opisyal na para sa taong ito tig-P500 million ang nakalaan sa ilalim ng 2024 budget para sa fuel subsidy sa agri-sector.
Makakatanggap aniya ng P3,000 na one time fuel assistance ang mga kwalipikadong benepisyaryo.
“Mabibigyan sila ng 3,000 pesos each – it is a one-time assistance para nga tumulong dito sa pagtaas ng presyo ng gasolina. Ito ay para doon sa mga may-ari ng makinarya na RSBSA (Registry System for Basic Sectors in Agriculture)-registered. Doon naman sa mga mangingisda, hindi tataas sa 3 metric tons iyong tonnage ng kanilang bangka.” —de Mesa. | ulat ni Racquel Bayan