Pinatitiyak ni Department of Social and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na magiging fully operational sa lalong madaling panahon ang bagong Pag-Abot Program Processing Center sa Pasay City.
Pinangunahan ng kalihim ang ceremonial blessing para sa naturang pasilidad na matatagpuan sa ikalawang palapag ng gusali sa bahagi ng Williams Street, Pasay.
Ininspeksyon din ni Sec. Gatchalian ang pasilidad kung saan iniutos nito ang mabilis na operasyon ng processing center upang mabawasan ang mga indibidwal na kakalingain sa care facilities.
“It would lessen the burden of the DSWD-run centers and residential care facilities currently catering to the reached-out individuals,” ani Gatchalian.
Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na ang bagong pasilidad ay magsisilbi ring temporary shelter para sa mga Families and Individuals in Street Situations (FISS).
Tampok sa designated processing center ang nasa higit 100 kwarto kung saan maaaring isagawa ang profiling, interviews, at assessment ng reached-out individuals at families.
Oras na maging fully-operational, magkakaroon na rin ito ng temporary housing, family area, l child-friendly space, breastfeeding area, at Philippine Statistics Authority (PSA) registration booth.
Sa tala ng DSWD, aabot na sa higit 2,000 indibidwal ang natulungan nito sa ilalim ng Oplan Pag-abot kung saan 1,412 ang nairefer sa LGUs, 761 ang nananatili sa residential care facilities, 758 ang naiuwi sa kanilang mga probinsya habang 321 ang napagkalooban ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS). | ulat ni Merry Ann Bastasa