Sugatan ang 15 mag-aaral matapos na maputol ang tinatawiran nilang hanging bridge sa Brgy. It-ba, Manito, Albay, alas-6 ng gabi ng Abril 17, 2024.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection Manito Fire Station, papauwi na sana ang mga estudyante galing ng paaralan ng aksidenteng maputol at bumagsak ang tinatawiran nitong hanging bridge.
Agad namang rumespunde ang mga tauhan ng BFP Manito Fire Station at Philippine Coast Guard Mobile Force sa nangyaring aksidente. Apat mula sa 15 biktima ang nagtamo ng sugat habang 11 ang nagkaroon ng pananakit ng katawan dahil sa pagkakahulog.
Agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital ang mga biktima para mabigyang lunas ang mga dinaramdam na sakit.
Ayon sa mga residente, mapalad naman at mababaw lamang ang tubig ng ilog nang mangyari ang aksidente.
Sa ngayong, nagkakaroon na ng pagpupulong at pakikipag-ugnayan ang LGU Manito sa iba’t ibang ahensya para sa agarang aksyon ng pagsasaayos ng hanging bridge. Gayundin, ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga apektadong residente lalo pa at pangunahing daanan ang bumagsak na hanging bridge sa nasabing lugar. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay
📸 BFP Manito Fire Station