Pinakawalan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region IX sa pamamagitan ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Guipos ang na-rescue na Hawksbill Sea Turtle sa bayan ng Dumalinao sa probinsya ng Zamboanga del Sur kamakailan.
Nadiskubre ng isang concerned citizen ang naturang pagong na na-trap sa isang fishing net sa Barangay Pantad kung saan agad itong humingi ng tulong sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Dumalinao.
Agad na rumesponde naman CENRO ng Guipos nang i-ulat ng MENRO Dumalinao ang naturang insidente.
Ang nailigtas na Hawksbill Sea Turtle na may habang 62 sentimetro at lapad na 58 sentimetro ay napag-alamang aktibo at malusog matapos ang masusing pagsusuri na isinagawa ng naturang tanggapan kung kaya’t napagdesisyunan na pakawalan ito sa natural habitat nito.
Ang Hawksbill Sea Turtle ay protektado sa ilalim ng Republic Act No. 9147 o kilala bilang Wildlife Resources Conservation and Protection Act na naipatupad noong taong 2001.| ulat ni Justin Bulanon| RP1 Zamboanga