Ibinahagi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na nagpla-plateau o hindi na nakapagtatala ng pagtaas ng kaso ng pertussis o whooping cough sa bansa.
Sa kabila nito ay tiniyak ni Herbosa na patuloy pa rin ang pagmo-monitor ng kanilang regional epidemiology surveillance unit sa naturang sakit.
Ayon sa kalihim, mula Enero hanggang Marso 23, 2024 ay nakapagtala na ng 862 cases ng pertussis sa bansa.
Nasa 49 na rin aniya ang nasawi dahil sa pertussis.
Ipinunto rin ni Herbosa na 58% ng mga kaso ng mga whooping cough ay naitala sa mga sanggol sa 6 weeks to 4 months old.
Ipinaliwanag ng opisyal na ang rason kung bakit maraming kaso ng pertussis na naitatala ay ang kawalan ng mga bakuna laban dito.
Kaya naman hinimok ni Herbosa ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak na 5 years old pababa para maging protektado sa pertussis. | ulat ni Nimfa Asuncion