Napapanahon na para sa PIlipinas ang pagkakaroon ng high-speed rail projects na siyang magbibigay ng ganap na kaginhawaan sa publiko.
Ito ang binigyang-diin ng Department of Transportation (DOTr) sa gitna na rin ng pagpupursige nito na matapos sa itinakdang oras ang mga nakalinyang proyekto nito.
Kabilang na riyan ayon sa DOTr, ang North-South Commuter Railway (NSCR) project na siyang babagtas sa Metro Manila route ng Philippine National Railways (PNR) mula sa Malabon, Maynila, at Alabang.
Ayon sa DOTr, napatunayan sa nakalipas na Holy Week break ang kahalagahan ng pamumuhunan sa railway projects dahil bukod sa makapagbibigay na ito ng maginhawang biyahe ay magsisilbing solusyon pa ito sa problema sa trapiko sa National Capital Region.
Kaya naman, binigyang-diin ng DOTr na kailangan ang buong suporta ng publiko sa mga pagawaing pambayan ng pamahalaan gaya ng NSCR dahil hindi lamang ito makapagbibigay ginhawa sa mga Pilipino, makatutulong pa ito sa pag-unlad ng Pilipinas.
Inihalimbawa pa ng kagawaran ang tagumpay ng MTR ng Singapore na dahil sa suporta ng mamamayan nito gayundin sa political will ng kanilang gobyerno, nakamit nito ang financial at logistical solutions na pangunahing sangkap sa pag-unlad. | ulat ni Jaymark Dagala