Kabuuang 2,044 magsasaka mula San Miguel, Leyte ang nakatanggap ng cash assistance sa ilalim ng Farmers’ Assistance for Recovery and Modernization (FARM) Program ng administrasyong Marcos.
Pinangunahan ng Office of the House Speaker at Tanggapan nina Tingog Partylist Reps. Yedda Romualdez at Jude Acidre katuwang ang Department of Social Worker and Development (DSWD) ang pamimigay ng financial assistance na nagkakahalaga ng ₱5,000 bawat isa sa mga magsasakang benepisyaryo.
Ayon kay Speaker Romualdez, batid ng pamahalaan ang hirap na kanilang hinaharap, lalo na ngayong panahon ng El Niño kung saan apektado ang lahat ng pananim.
“Ang programa pong ito ay bahagi ng direktiba ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos Jr. na abutin ng pamahalaan ang mga sektor na nangangailangan ng suporta lalo na kung marami sa kanila ay mahirap,” ani Romualdez
Ang FARM program ay isang inisyatiba ni Speaker Romualdez na naglalayong mapababa ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng pagbibigay ng gobyerno ng tulong sa mga magsasaka.
Ang ₱10.22 milyon na ipinamigay sa mga magsasaka ay galing sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD. | ulat ni Kathleen Forbes