Tinatayang aabot sa P49.807 bilyon ang kabuuang halaga na nailabas ng Department of Budget and Management (DBM) para sa taong 2024 sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para tulungan ang mga indigent senior citizen sa buong bansa.
Sa inilabas na pahayag ng DBM, layon ng nasabing halaga na suportahan ang mahigit sa apat na milyong indigent senior citizen sa bansa kung saan dinoble ng ahensya ang pondo kumpara noong nakaraang taon.
Sinasabing noong Enero pa ay naipaabot na ng DBM ang nasabing pondo na labis papakinabangan umano ng mga senior citizen para sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, at pangangailangan tulad pagdating sa medical requirement, at malayo sa gutom, kapabayaan, at pang-aabuso.
Minandato rin ng batas ang pag-doble ng nasabing pension para sa mga senior citizen sang-ayon sa Republic Act No. 11916 na naipasa noong July 2022 para sa pagtaas nito mula sa P500 kada buwan sa P1,000 kada buwan ngayong taon.
Binigyang-diin naman ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang kahalagahan ng tulong na ito na tugma sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang prayoridad ang kapakanan ng mga senior citizen.| ulat ni EJ Lazaro