Makikipag-ugnayan ang liderato ng Kamara sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) upang aksyunan ang mataas na presyo ng bilihin.
Sa isang pulong-balitaan, sinabi ni House Committee on Trade and Industry Chair Ferjenel Biron, lumalabas na sa kabila ng monitoring, surveillance, at adjudication powers ng DA ay wala itong naimbestigahan at napanagot na profiteer.
“…The Department of Agriculture has in fact monitoring, surveillance and adjudication powers pero inutil eh, it was never done by the department. Tinanong namin kung anong ginawa nila sa mga profiteers, wholesalers, middlemen that have been violating for the longest time and it was unfortunate when they revealed na wala silang ginawa,” ani Biron.
Nag-ugat ang isyu sa mababang farmgate price ng basic commodity, ngunit napakamahal naman na retail price.
Katunayan ayon kay Biron lumalabas na umaabot ng 200% ang mark up o yung taas-presyo mula farmgate patungong retail.
Kaya naman ayon kay Speaker Martin Romualdez, kakausapin nila ang kalihim ng DA at DTI para agad itong aksyunan.
“We shall call their attentions so for a stricter enforcement of their policies and to enforce the price act. So that the end users will not fall prey to the very, very grossly large margins di ba and we will seek more enforcement on the part of Executive,” sinabi ni Romualdez.
Maliban dito sinabi rin ni Romualdez na ipapatawag nila sa susunod na hearing ang mga trader at middleman para pagpaliwanagin.
“Tatawagan natin yung mga trader, yung mga middlemen. Tatanungin natin kung bakit ang malalaking agwat naman, yung farm gate ay ganito, yung binebenta niyo ay ganito masyadong malayo ang diperensya. So i-inquire natin kung bakit ganon, kung di maayos yung explanation, kung masyadong matakaw lang sa kita, sabihin natin i moderate nila yan kasi kung hindi, talagang agrabyado tayong lahat at syempre may mananagot diyan,” giit ni Speaker Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes