Nanawagan si House Committee on Labor and Employment Chair at Rizal Rep. Fidel Nograles sa mga employer na tumalima sa DOLE Labor Advisory No. 8 na naglalatag ng mga hakbang para protektahan ang mga manggagawa mula sa heat stress dala ng pinatinding init ng panahon dahil sa El Niño.
Ayon Nograles, ngayon simula na ng tag-init ay mahalagang sundin ng mga employers ang DOLE advisory para sa kapakanan ng ating mga empleyado.
Paalala ng mambabatas na ang proteksyon ng kalusugan at kapakanan ng mga manggagawa ay magreresulta sa kanilang pagiging produktibo.
Sabi pa niya na para sa mga organisasyon, mas praktikal na tutukan ang occupational safety kaysa tumugon sa epekto ng kapabayaan na maaaring magdulot ng productivity loss, aksidente, at posibleng kaso dahil sa paglabag sa batas.
Hinimok din ng mambabatas na magsagawa ng information campaign upang agad matukoy ng mga empleyado ang anoman sintomas ng heat stress. | ulat ni Kathleen Forbes