Pinapurihan ni House Committee on Labor and Employment Chair Fidel Nograles ang hakbang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawigin ang kontrata ng mga contract of service (COS) at job order (JO) workers sa gobyerno na nakatakdang magtapos ngayong Disyembre.
Ani Nograles, isa itong magandang Pamasko para sa mga COS at JO sa pamahalaan.
Inaasahan na aabot sa 832, 812 na COS at JO ang makikinabang sa direktiba na ito ng Pangulo.
“Marami-raming mga kababayan natin ang makikinabang sa direktibang ito. Ngayon, makapagtatrabaho sila nang walang pangamba na pagkatapos ng taon ay mawawalan sila ng kabuhayan,” saad ni Nograles.
Kasabay nito ay sinuportahan din ng mambabatas ang atas ni PBBM sa mga ahensya na linangin ang kakayanan ng mga COS at JO sa pamamagitan ng rw-education and training at tulungan silang makapasa civil service examination.
“Of course, we want our civil service to be composed of competent people who are able to fulfill the unique demands of public service. Kung mabibigyan ng karampatang training ang ating mga JO at COS, mabibigyan sila ng pagkakataon na makuha ang mga plantilla positions na nahihirapan rin tayong punuin,” wika pa ng mambabatas.
Batay sa datos ang limang ahensya ng pamahalaan na may pinakamataas na bilang ng COS at JO ay ang: Department of Public Works and Highways (DPWH), 29,275; Department of Health (DOH), 18,264; Department of Education (DepEd), 15,143; Department of Social Welfare and Development (DSWD), 13,770; at Department of Environment and Natural Resources (DENR), 10,990. | ulat ni Kathleen Jean Forbes