Balik-pasada na ang mga miyembro ng PISTON sa Pasig City ngayong ikalawang araw ng tigil-pasada kasama ang MANIBELA.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, sinabi ng ilang tsuper na sapat na ang kanilang pakikilahok kahapon at kumpiyansa naman na silang naiparating na nila ang kanilang saloobin.
Anila, kailangan nang bumalik sa pamamasada ngayong araw dahil sa takot na magutom ang kanilang pamilya kung wala silang mai-uuwing kita.
Giit pa ng mga tsuper, kanila nang ipinauubaya sa kanilang mga pinuno ang pakikipag-diyalogo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa mga susunod na hakbang sa darating na mga araw.
Sa kabila ng normal na sitwasyon sa biyahe ng mga jeepney sa Pasig City, nananatili namang naka-antabay ang mobility assets ng Lokal na Pamahalaan gayundin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para umalalay sa mga pasahero. | ulat ni Jaymark Dagala