Hindi naging matagumpay ang isinagawang dalawang araw na transport strike ng grupong Manibela at Piston.
Ito ang pahayag ng Department of Transportation (DOTr) matapos makaranas ng pagbigat ng trapiko sa ilang lugar bunsod ng kilos-protesta.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, naging matagumpay lamang ang naturang mga grupo sa paglikha ng trapiko.
Gayunpaman, napatunayan naman ng pamahalaan ang kanilang kahandaan sa harap ng mga isyu sa transportasyon.
Dagdag pa ni Secretary Bautista, maaaring managot sa batas ang mga nagprotesta dahil sa posibleng paglabag sa trapiko tulad ng obstruction of traffic.
Aniya, pag-aaralan ng gobyerno, kabilang ang Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Metropolitan Manila Development Authority, at Philippine National Police ang posibleng mga naging paglabag.
Binigyang diin din ng kalihim, na bagaman may karapatan ang mga nagkilos-protesta na ihayag ang kanilang hinaing hindi naman dapat ito makaapekto sa publiko at mga motorista. | ulat ni Diane Lear