Isusulong ng mga senador ang ilang amyenda sa mga batas pangkalikasan ng bansa para maiwasan nang makapagpatayo ng mga ilegal na istraktura sa mga deklaradong protected areas ng Pilipinas.
Ito ay matapos ang naging pagdinig ng Senado ngayong araw tungkol sa mga ilegal na imprastrakturang naipatayo sa mga protected areas gaya ng resort sa gitna ang Chocolate Hills sa Bohol.
Ayon kay Senate Committee on Environment Chairperson Senadora Cynthia Villar, kabilang sa mga ikinokonsidera nila ang pagmamandato at pagbibigay awtoridad na sirain o i-demolish na agad ang mga makikitang ilegal na istraktura sa protected areas.
Giit ni Villar, kapag hindi kasi dinemolish agad ang mga ilegal na istraktura ay maaari pa itong gayahin ng iba.
Pabor rin sa demolition si Senate Committee on Tourism Chairperson Senadora Nancy Binay.
Tiwala rin si Binay na mapapademolish ang kontrobersyal Captains Peak Resort sa Chocolate Hills bilang dinidinig na aniya ito ngayon ng DENR.
Iginiit rin ni Binay na hindi sagot sa paglabag sa batas pangkalikasan ang pagbabayad lang ng multa na ₱50,000.
Kaya isusulong rin aniya ng senadora na magkaroon rin ng pananagutan ang mga opisyal ng gobyerno na pipirma sa mga permit o clearance naagbibigay daan sa pagpapatayo ng anumang ilegal na istraktura sa mga protected areas. | ulat ni Nimfa Asuncion