Nadagdagan pa ang mga kompanya sa Taiwan na nagbibigay ng reward sa kanilang mga Filipino workers dahil sa dedikasyon sa trabaho.
Ito ang iniulat ni Chairperson Silvestre Bello III ng Manila Economic and Cultural Office na nakabse sa Taiwan.
Sinabi niya na maraming kompanya ang nag-aalok sa kanilang mga Pinoy workers na manirahan na sa Taiwan dahil sa ipinapamalas na kasipagan sa trabaho.
Pinakahuli dito ay ang I-Mei Foods Co. Ltd. sa Taoyuan na nag-hire ng mahigit 10,000 Filipino workers sa nakalipas na 30 taon kung saan 53 sa mga ito ay na-promote sa mid-managerial position.
Ang gobyerno ng Taiwan ay pinapayagan ang mga foreign workers na magtrabaho ng hanggang 12 taon maliban sa mga mid-managerial level work assignments.
Ang mga ito ay maaari nang mag-apply ng permanent residence sa Taiwan kung saan pwede na nilang dalhin ang kanilang pamilya. | ulat ni Mike Rogas