Lubhang naapektuhan ang ilang munisipalidad sa lalawigan ng Antique dahil sa nararanasang El Niño phenomenon.
Ayon kay Antique Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Broderick Train, isinailalim sa State of Calamity ang munisipalidad ng Sibalom, habang ang bayan ng Anini-y ay naghahanda na magdeklara sa mga susunod na araw.
Mula sa ulat ng tanggapan ng DRRM ng munisipyo ng Sibalom, nararamdaman sa ilang bayan nito ang pagkalugi sa kita ng mga hanapbuhay, tulad ng pagtatanim ng palay, na aabot sa ₱42.5 million simula pa noong buwan ng Enero.
Sinabi ni MDRRMO Joel Odango na bukod sa pinsala sa mga pananim, walong barangay ang nakararanas ng kakulangan sa supply ng maiinom na tubig, ito ay ang Lacaron, Mojon, Igsuming, Maasin, Tula-tula, Igdalaquit, Calo-oy, at Salvacion.
Samantala, nagsasagawa naman ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng pagrarasyon ng tubig sa mga apektadong bayan. | ulat ni Mary Rose Rocero