Sa bisa ng closure order, ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) sa tulong ng Mandaluyong Police ang isang kumpanya sa lungsod na sangkot umano sa illegal recruitment.
Sa pangunguna ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, isinara ang immigration consultancy firm na nambibiktima ng mga Pilipinong nais magtrabaho sa Canada.
Ayon kay Cacdac, nag-ugat ang kanilang operasyon sa kanilang walong beses na surveillance na naningil ng P110,000 na professional fee ang kumpanya.
Bawal umano ang panghihingi ng placement fee at labag sa batas.
Paliwanag ni Cacdac, walang lisensya mula sa DMW ang kumpanya na nagsasagawa job matching sa Canada, kung saan iba’t ibang trabaho ang alok sa pamamagitan ng social media post.
Para naman sa mga Pilipinong nakapasok ng Canada sa pamamagitan ng kumpanya, sinabi ng DMW na tutulungan nila ang mga OFW sa pamamagitan ng action fund.
Depensa naman ng kumpaya, hindi overseas Filipino worker ang kliyente nila at para sa permanent residency ang alok nila sa Canada.
Sasampahan ng reklamo sa Department of Justice ang naturang kumpanya na simula pa 2021 ang operasyon. | ulat ni Diane Lear