Malugod na tinanggap ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang suporta ng India sa posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ito’y sa pakikipagpulong ni Sec. Teodoro kay Indian Minister of External Affairs, H.B. Dr. Subrahmanyam Jaishankar at sa kanyang delegation, kasabay ng kanilang opisyal na pagbisita sa bansa.
Sa pagpupulong ng dalawang opisyal, tiniyak ni Minister Jaishankar ang commitment ng India na itaguyod ang rules-based international order at isulong ang kapayapaan at seguridad sa Indo-Pacific Region.
Kinilala naman ni Sec. Teodoro ang mahalagang kontribusyon ng India sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nagkasundo ang dalawang opisyal na isulong ang mas malalim na relasyong pandepensa sa pamamagitan ng mas madalas na diyalogo, mga aktibidad na nakatuon sa pagpapaunlad ng kapabilidad, at education and training exchanges; gayundin ang pagpapalawak ng kooperasyon sa industriyang pandepensa. | ulat ni Leo Sarne
📸: DND