Pinaiimbestigahan ni Senate Committee on National Defense chairman Senador Jinggoy Estrada nangyaring pananambang sa apat na sundalo noong Marso 17 sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur.
Ito ay para aniya suriin ang kasalukuyang estado ng seguridad at kaayusan sa katimugang rehiyon ng bansa.
Ayon kay Estrada, sa kabila ng mga nagawa na kahanga-hanga at matagumpay na military operations sa pagbuwag sa mga network ng terorista at extremist groups sa buong bansa, ang mga bago at naglilitawan na grupo aniya mula sa natitirang puwersa ay ng nagiging hamon sa pambansang seguridad.
Sa inihaing Senate Resolution 984 ng senador, hiniling ni Estrada sa liderato ng Senado na atasan ang nararapat na komite na gampanan ang oversight function ng mataas na kapulungan at suriin ang pagganap ng military at mga law enforcement agencies para matiyak na naisasakatuparan ang mga hakbang na kinakailangan para masiguro ang kaayusan ng bansa.
Binigyang diin rin ni Estrada na dapat suportahan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paglaban sa mga elementong nasa likod ng terorismo, kaguluhan, karahasan, naghahasik ng takot at naglalagay sa panganib sa publiko.
Kailangan aniyang masiguro sa publiko na kontrolado ng militar at ng mga tagapagpatupad ng batas ang sitwasyon lalo’t ang pagpapanatili at pagtataguyod ng pangmatagalang kapayapaan ay pangunahing interes ng Estado.| ulat ni Nimfa Asuncion