Unti-unti nang nagbubunga ang mga investment mission ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. mula sa kaniyang mga biyahe sa ibang bansa.
Ito ang tinuran ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. kasunod ng pinakahuling assessment ng HSBC Global Research na bumubuti na ang lagay ng investment environment ng Pilipinas.
Aniya nararamdaman na ang positibong resulta ng investment promotions ng Pangulo na sinuportahan ng mga panukala na inaprubahan ng Kongreso at nalagdaan bilang batas.
Dahil dito, mas nakikita na aniya ng mga mamumuhunan ang pagiging investment destination ng bansa.
“The improved investment outlook of investors like the recent high-level American trade mission to Manila, and actual investments and pledges committed during the President’s investment trips augur well for the nation in the years ahead,” ani Gonzales.
Ilan sa mga panukala na kanilang ipinasa para maka-akit ng mas maraming foreign direct investments ang Ease of Doing Business Act at ang batas na nagbabawas sa corporate income tax at nag-aalok ng iba pang tax incentives.
Batay sa komentaryo ng HSBC Global Research nagkaroon ng malaking pagbabago sa pagpasok ng FDI sa Pilipinas ngayon kumpara noong 1990’s hanggang 2000s.
“If we look at FDI inflows relative to the size of the economy, the Philippines is, in fact, in the middle of the pack in ASEAN (Association of Southeast Asian Nations). FDI inflows may not be as robust as say, Malaysia and Vietnam, but they are a sizable improvement from the sluggish inflows seen in the 1990s and the early 2000s. This, we believe, should be enough evidence to show that the country’s reputation [for] attracting FDI is, indeed, turning for the better,” sabi sa naturang report. | ulat ni Kathleen Jean Forbes