Iginiit ng Department of National Defense (DND) na hindi show of force ang ginawang Maritime Cooperative Activity sa pagitan ng Pilipinas gayundin ng mga bansang Amerika, Japan, at Australia sa West Philippine Sea.
Ito ang sagot ng Pilipinas sa mga pinakawalang pahayag ng China na labag umano sa Code of Conduct of Parties ang naturang aktibidad lalo’t sinasagkaan nito ang kanilang soberenya at karapatan sa nasabing karagatan.
Sa isang panayam, sinabi ni DND Spokesperson, Director Arsenio Andolong, ginagawa lamang ng Pilipinas kung ano ang pinapayagan ng International Law.
Para kay Andolong, ang aktibidad ay pagpapakita ng pagkakaisa lalo’t ginagawa naman ito ng lahat ng mga sibilisadong bansa sa mundo at bahala na ang China kung ano ang kanilang magiging interpretasyon dito.
Ang mahalaga ayon kay Andolong, ginagawa ng Pilipinas ang nasabing pagsasanay sa ngalan ng pambansang interes, sa dahilang pinalalakas nito ang kakayahan ng bansa gayundin ang pakikipagtulungan sa iba pang mga bansa. | ulat ni Jaymark Dagala