Maghahain si Senate Deputy Majority leader JV Ejercito ng isang resolusyon para maimbestigahan sa senado ang report tungkol sa pagkakaroon ng mga shares ng ilang mga doktor sa mga pharmaceutical companies kung saan nanggagaling ang mga nirereseta nilang mga gamot.
Ayon kay Ejercito, ilang buwang na rin niyang natanggap ang impormasyon kaugnay nito at katunayan ay may mga lumapit na sa kanyang mga doktor at mga taga phramaceutical industry na handang maging whistleblower sakaling dinggin ang isyu sa Senado.
Base sa impormasyon ng senador, tila nagiging networking na ang kalakaran dahil binibigyan ng incentives ang mga doktor kapag nagrereseta sila ng mga gamot mula sa ilang pharma companies.
Kabilang aniya sa mga incentives na ito ay mga luxury cars at iba pang luxury items.
Binahagi pa ng senador na mas aktibo ang ganitong kalakaran sa mga probinsya.
Giit ni Ejercito, maituturing itong conflict of interest at paglabag sa ethical standard ng mga medical professionals.| ulat ni Nimfa Asuncion