Matagumpay na naisagawa ang limang araw na Joint Maritime Security Training Exercise (JMSTX) 2024 ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM), Philippine Coast Guard at PNP Maritime Group sa area of operations ng Western Mindanao Command (WestMinCom) mula Abril 15 hanggang 19.
Ang sabayang pagsasanay na isinagawa sa karagatan ng Zamboanga City, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi ay kinatampukan ng iba’t ibang scenario mula maritime patrols hanggang counter-piracy operations.
Dito’y napahusay ang interoperability ng naval at marine forces at iba pang maritime law enforcers para mapalakas ang kanilang pinagsanib na kapabilidad na tumugon sa maritime security challenges.
Ayon kay Naval Forces Western Mindanao Commander Rear Admiral Donn Anthony Miraflor, napapanahon ang pagsasanay para mapalakas ang kakayahan ng mga security forces na protektahan ang pambansang teritoryo mula sa iba’t ibang maritime threats sa pagsulong ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept.
Nagpasalamat si RAdm. Miraflor kay WestMinCom Commander Lt. General William Gonzales sa pagbibigay ng buong suporta sa pagsasanay; gayundin sa mga lumahok na unit. | ulat ni Leo Sarne
📷: NFWM