Tiniyak ng Philippine Army ang kaligtasan ng mga residente ng Pilar, Abra, at Sta. Maria, Ilocos Sur na lumikas sa gitna ng sunod-sunod na enkwentro sa pagitan ng mga sundalo at mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa mga nakalipas na araw.
Ayon kay Philippine Army Public Affairs Office Chief at Spokesperson Colonel Louie Dema-ala, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Philippine Army sa mga local government units para sa pagbibigay ng pagkain at iba pang pangangailangan ng 113 pamilyang lumikas sa kanilang mga tahanan dahil sa banta ng paghihiganti ng mga teroristang komunista.
Maaalalang, nagsagawa ng security operations ang 50th Infantry Battalion ng 5th Infantry Division kasunod ng tip mula sa mga residente tungkol sa presensya ng armadong grupo sa boundary ng Brgy. Nagcanasan, Pilar, Abra at Brgy. Babalisioan, Sta. Maria, Ilocos Sur.
Dito’y nakasagupa ng militar ang mga nalalabing miyembro ng napahinang North Abra Guerrilla Front (KLG North Abra) at llocos Cordillera Regional Committee (ICRC) nitong Martes at Miyerkules.
Binigyang-diin ni Col. Dema-ala na handang gumamit ng pwersa ang Philippine Army para pangalagaan ang mga komunidad laban sa mga nalalabing miyembro ng teroristang grupo. | ulat ni Leo Sarne