Hinimok ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman Rufus Rodriguez ang Kamara at Senado na panindigan ang pagsusulong ng economic charter change.
Ito’y kahit pa lumabas sa survey ng Pulse Asia na mayorya ng mga Pilipino ang hindi sumusuporta sa charter amendments.
Ayon kay Rodriguez, masisira ang imahe ng bansa sa investing community kung mag uurong-sulong ang gobyerno pagdating sa pagbubukas ng ekonomiya.
Dagdag pa ng Cagayan de Oro solon, hindi naman laging popular ang mga tamang desisyon gaya ng pagsusulong ng amyenda sa Konstitusyon.
Tinukoy pa nito na sa mga naging pagdinig ng Kamara ay iisa ang paniniwala ng business community, incumbent at mga dating opisyal ng gobyerno, mga ekonomista, propesyonal at iba pang eksperto na dapat nang luwagan ang foreign equity at ownership restrictions sa public utilities, education sector at advertising.
Muli ring nanawagan si Rodriguez sa Senado na aprubahan na ang kanilang bersyon ng econ cha-cha sa pagbabalik ng sesyon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes