Nagpasalamat si House Speaker Martin Romualdez sa positibong tugon ng mga retailer sa kanilang pakiusap na huwag muna magtaas ng presyo ng kanilang mga paninda.
Kasunod ito ng pulong na ipinatawag ng House leader kasama si Deputy Majority leader Erwin Tulfo, grupo ng producers, manufacturers at retailers.
Ani Romualdez, “naglambing” sila na pansamantalang ipagpaliban ang taas presyo ng mga basic commodities para maibsan ang pasanin ng mga Pilipino.
Kasabay nito, sinabi ng lider ng Kamara na isasailalim nila sa comprehensive review ang mga batas na nakakaapekto sa presyuhan ng bilihin.
Kaya mahalaga aniya ang ugnayan sa pagitan ng lehislatura at Department of Agriculture para sa mga polisiyang ipatutupad kaugnay dito.
Magpapatuloy din aniya ang intervention programs para tulungan ang mga mahihirap at kapos ang kita para magkaroon ng access sa mura at kalidad na pagkain, gaya ng Cash and Rice Distribution o CARD program, AICS at AKAP.
Binubuhusan din aniya ngayon ng pondo ang National Irrigation Administration para mapalakas ang produksyon ng bigas at maging self-sufficient and bansa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes