Tiniyak ng kampo ni Cagayan Governor Manuel Mamba na agaran silang maghahain ng ‘motion for reconsideration’ kaugnay sa desisyon ng Korte Suprema sa disqualification case ng gobernador.
Sa kanilang statement, i-aapela ng gobernador ang pagbaliktad ng Korte Suprema sa pagbasura ng Commission on Elections sa inihaing disqualification case ng natalong gobernatorial candidate na si Dr. Zarah De Guzman Lara.
Sa ngayon, wala pang natatanggap na opisyal na kopya ng desisyon ang Office of the Governor at mga abogado mula sa Korte Suprema. Gayunman, nirerespeto nito ang inilabas na desisyon ng mataas na hukuman.
Nakatuon pa rin ang atensyon ni Governor Mamba sa pagsisilbi sa Cagayanos bilang ama ng lalawigan habang hinahayaan nang gumulong ang proseso ng korte at Comelec.
Kahapon, inilabas ng Korte Suprema ang desisyon at binaliktad ang desisyon ng Comelec dahil sa diumano’y ‘grave abuse of discretion’ matapos ibasura nito ang petisyon ni Lara dahil sa teknikalidad kaugnay ng nagdaang 2022 Elections.
Sa botong 7-0 ay ibinasura ng Comelec en banc ang petisyon ni Lara para madiskwalipika si Gov. Mamba dahil naiproklama na ang gobernador bago pa man umabot sa komisyon ang protesta ng natalong kandidato.
Inakyat ni Lara ang kaso sa Korte Suprema at pinaboran ang petisyon nito. Inatasan ang Comelec na desisyunan ang disqualification case batay sa merito at hindi sa teknikalidad. | ulat ni Rey Ferrer