Binigyang diin ni Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones Chairperson Senador Francis Tolentino na karapatan ng Pilipinas na magsagawa ng joint military exercises kasama ang ibang mga bansa sa loob ng ating teritoryo.
Ito ang tugon ng senador sa babala ng Foreign Ministry ng China, na nakakalala lang ng tensyon ang mga aktibidad ng Pilipinas kasama ang ibang mga bansa sa South China Sea.
Sinang-ayunan ni Tolentino ang ginagawa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. lalong lalo na aniya kung ito’y naglalayon na pagtibayin ang ating national security, at ang ating dignidad bilang isang bansa.
Tama lang rin aniyang tinutupad ng Pilipinas ang mga tratado at kasunduan na mayroon tayo sa ibang mga bansa, kabilang na ang tungkol sa pagsasagawa ng mga joint military training.
Naaayon rin aniya sa International Law ang ginagawang aksyon ng ating bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion