Suspendido simula ngayong araw, Abril 3 ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan ng Negros Oriental dahil sa nararanasang mainit na panahon dala ng El Niño phenomenon.
Nagpalabas ng Executive Order number 24 si Negros Oriental Governor Manuel Sagarbarria alinsunod sa hiling ni Department of Education, Negros Oriental Division Schools Division Superintendent, Dr. Neri Ojastro na kung maaari ay suspendihin muna ang in-person classes para sa ikabubuti ng mga estudyante at mga guro.
Base sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Negros Oriental, ang lalawigan ay nakakapagtala ng 38–39-degree celcius na heat index.
Nakasaad rin sa EO ng gobernador na bagama’t suspendido ng face-to-face classes, kailangang masiguro ng mga school heads na magpapatuloy pa rin ang pag-aaral ng mga estudyante sa pamamagitan ng distance learning at alternative learning modality.
Mananatiling epektibo ang EO hanggang makapagpalabas muli ng bagong kautusan si Governor Sagarbarria. | ulat ni Angelie Tajapal | RP1 Cebu