Hinikayat TUCP- party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza ang mga employers na bigyang prayoridad ang Comprehensive Heat Risk Action Plan.
Ayon sa mambabatas, mayroon nang inilabas na Labor Advisory ang DOLE na naglalatag ng mga hakbang para protektahan ang mga manggagawa mula sa heat stress.
Paalala ng mambabatas, isang shared moral responsibility na protektahan ang mga manggagawa sa delikadong lebel ng init na nararanasan ng bansa ngayon hindi lang sa trabaho ngunit maging sa kanilang pagbiyahe papunta sa trabaho.
Mungkahi ni Mendoza na magkaroon ng dayalogo ang mga employers at mga empleyado sa pamamagitan ng Occupational Safety and Health (OSH) Committee sa lahat ng lugar ng paggawa upang pag-usapan ang mga hakbang kontra heat stress.
Kabilang sa mga suhestyon ng kongresista ay ang pagkakaroon ng heat breaks, pagpapatupad ng buddy system para mabantayan ng kapwa magkatrabaho ang kanilang kalusugan, pagbibigay halaga sa hydration o pag-inom ng tubig at heat stress orientations upang mabilis na matukoy ng mga manggagawa ang sintomas ng heat stress at kung paano ito lulunasan.
“This Heat Risk Action Plan is a win-win imperative for both labor and business to ensure that Filipino workers will be safe, productive, and healthy amidst the blistering heat. Together, let us craft and bolster our respective Heat Risk Action Plans to save jobs and save lives!,” giit ni Mendoza. | ulat ni Kathleen Forbes