Umaasa si Maj. Gen. Alex Rillera, kumandante ng 6th Infantry “Kampilan” Division at ng Joint Task Force Central, na matigil na ang karahasan sa Central Mindanao kasunod ng pagkasawi ng pinakamataas na lider ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF–Karialan Faction.
Ito ang inihayag ni Gen. Rillera sa kasagsagan ng presentasyon ni B/Gen. Jose Vladimir Cagara, commanding officer ng 1st Brigade Combat Team, ng iba’t ibang klase ng high-powered firearms na narekober ng mga sundalo sa naganap na sagupaan sa pagitan ng BIFF at ng mga sundalo sa Barangay Kitango sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan sa Maguindanao del Sur noong araw ng Lunes.
Ang presentasyon ng 12 mga high-powered firearms ay isinagawa kahapon, April 23, sa Old Capitol sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Gen. Rillera, napakahalagang achievement ang nakamit ng militar nang kanilang inilunsad ang operasyon laban sa BIFF-Karialan faction na nagresulta ng pagkasawi ng mataas na lider ng mga terorista sa loob ng hurisdiksyon ng Kampilan Division.
Matatandaan na napatay ng militar si Mohiden Animbang, alyas Kagui Karialan, lider ng BIFF-Karialan faction, sa engkwentrong naganap noong Lunes sa Datu Saudi Ampatuan.
Ayon kay Gen. Rillera, si Animbang ay wanted dahil sa iba’t ibang mga krimen tulad ng pamomomba, pangingikil, multiple murder, arson, at iba pa, kasama ang kanyang kapatid na si Saga Animbang, ang operations chief ng BIFF-Karialan faction, na kilala sa paggawa ng mga improvised explosive device.| ulat ni Lesty Cubol| RP1 Zamboanga Sibugay