Sinisikap ng Embahada ng Pilipinas sa United Arab Emirates (UAE) na mai-uwi ngayong linggong ito ang labi ng 3 Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasawi bunsod ng malawakang pagbaha roon.
Sa pulong balitaan ngayong umaga, sinabi ng bagong Kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW) na si Sec. Hans Leo Cacdac na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa mga opisyal sa UAE.
Patuloy din aniya siyang nagbibigay ng update sa pamilya ng 3 nasawing OFWs na kaniya nang kinausap buhat pa nang makarating sa Pilipinas ang sinapit ng kanilang mga kaanak sa UAE.
Maliban dito, tiniyak din ni Cacdac na maliban sa repatriation ay may ibinigay din silang tulong legal para naman mapabilis ang pagkuha ng benepisyo para sa naulila ng 3 nasawing OFW.
Sinabi ng Kalihim na hiningi kasi sa kanila ng ilang pamilya ng 3 OFW ang tulong legal dahil nais nilang maliwanan sa ilang usapin na bumabalot sa kanilang mga kamag-anakang nasawi. | ulat ni Jaymark Dagala