Pinoproseso na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagpapauwi sa Pilipinas ng mga labi ng tatlong overseas Filipino worker (OFW) na nasawi sa malawakang pagbaha sa United Arab Emirates (UAE).
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Migrant Workers Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, na isinasaayos na ang mga dokumento para makakuha ng death certificate at forensic report para tuluyan nang mapauwi ang mga labi ngayong linggo o bago mag April 27.
Sinabi rin ng opisyal, na binisita niya kaninang umaga sa Bacolor, Pampanga ang pamilya ng isa sa mga OFW na nasawi sa Dubai.
Ito ay upang maipakita ang suporta ng pamahalaan at tiniyak ang tulong sa mga naulilang pamilya.
Ayon kay Cacdac, magbibigay ang pamahalaan ng burial assistance, funeral assistance, at tulong pinansyal.
Samantala, patuloy naman ang isinasagawang relief operation ng Migrant Workers Office sa Dubai para bigyan ng tulong ang mga apektadong OFW. | ulat ni Diane Lear