Arestado ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na lalaki na sinasabing pinaghahanap sa Beijing dahil sa financial fraud.
Kinilala ang nasabing lalaki na si Qiu Jianjian, 52-anyos na naaresto nito lamang Abril 15 sa Ongpin Street, sa Binondo, Maynila matapos ang mission order mula kay Immigration Commissioner Norman Tansingco.
Ayon sa BI, inaakusahan si Qiu ng paglabag sa batas ng China dahil sa pag-isyu nito ng pekeng special added tax (VAT) invoices kung saan umabot sa 26 million yuan o $3.5 million na ang halaga na nadulot ng panloloko nito sa gobyerno ng China.
Kasalukuyang nakapiit sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City si Qiu habang naghihintay ng deportation proceedings.
Bukod dito, haharap din ang Chinese national sa mga alegasyon ng pag-overstay at pagiging undocumented alien dahil sa pasong pasaporte.
Ilalagay na rin si Qiu sa blacklist ng BI at pagbabawalan nang makapasok ng bansa. | ulat ni EJ Lazaro