Patuloy na natatapyasan ang lebel ng tubig sa Angat Dam dahil sa kakulangan ng ulan sa watershed.
Batay sa update ng PAGASA Hydrometeorology Division, kaninang alas-sais ng umaga ay nabawasan pa ng 36 sentimetro ang tubig sa dam kaya bumaba pa ito sa 198.44 meters.
Nasa isang metro ang agwat nito mula rin sa 199.77 meters water elevation ng dam noong nakaraang linggo.
Gayunman malayo-layo pa naman ito sa minimum operating level ng dam na 180 meters.
Bukod sa Angat Dam, karamihan din ng dam na binabantayan ng PAGASA sa Luzon ay nagkaroon ng tapyas.
Kabilang dito ang La Mesa Dam, Ambuklao, Binga, Pantabangan, at Caliraya Dam. | ulat ni Merry Ann Bastasa