Inilunsad ng anim na miyembro ng parliament (MP) ng Bangsamoro Transition Authority sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BTA-BARMM) ang libreng driver’s license program sa mga mahihirap na drayber ng mga pampublikong sasakyan sa rehiyon.
Ito ay sa pakikipagtulungan sa Ministry of Transportation and Communications (MOTC) na layon matulungan ang mga drayber sa kanilang bayarin sa aplikasyon at renewal ng driver’s license sa kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.
Pinondohan ang proyektong ito mula sa Transitional Development Impact Fund nina MP Jaafar Apollo Mikhail Matalam, Dr. Hashemi Dilangalen, Amilbahar Mawallil, Rasul Ismael, Atty. Rasol Mitmug Jr. at Khalid Hadji Abdullah.
Binigyang diin ni Minister Atty. Paisalin P. Tago ng MOTC, ang kahalagahan ng pagbiyahe ng mga pampasaherong sasakyan na hindi makompromiso ang pagpapatupad ng panuntunan ng ahensiya.
Ipapatupad ang naturang programa sa buong Bangsamoro Region, upang matiyak na maging benepisyaryo nito ang lahat ng mga nagmamaneho ng pampublikong sasakyan na kailangang mapasailalim sa programang ito. | ulat ni Fatmma Jinno, Radyo Pilipinas Jolo