Isang panukala ang isinusulong ni OFW party-list Rep. Marissa Magsino na layong maglatag ng isang komprehensibong housing framework.
Sa ilalim ng kaniyang House bill 9973, bubuo ng isang framework para sa human settlements lalo na sa mga panahong may kalamidad na tatama.
Magsisilbi itong gabay sa post-disaster housing at settlement rehabilitation.
Punto ni Magsino, dahil sa geo-climatic condition sa bansa, hindi maiiwasan na may mga mawalan ng tirahan kapag may tumamang bagyo o lindol.
At kadalasan ang mga mahihirap aniya ang nabibiktima lalo na at ang kanilang mga tirahan ay gawa sa ‘substandard’ na materyales.
Kaya naman mahalaga aniya na magkaroon ng panuntunan sa pagtatayo ng mga kabahayan upang masiguro na ito ay matibay gayundin ay hindi maaapektuhan ang kanilang kabuhayan.
“Ang mga nasa laylayan ng lipunan natin ang siyang mga nasa settlements na hindi matibay ang materyales o ‘di kaya nasa danger zones kaya’t kapag may sakuna, sila ang pinakadelikado at apektado,” giit ni Magsino.
Inaasahan din na sa pamamagitan nito ay mas mabilis ang magiging pagbangon ng mga nasalanta ng kalamidad.
Ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ay katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga komunidad sa pagbuo ng naturang housing framework. | ulat ni Kathleen Jean Forbes