Upang mas maiangat ang kabuhayan ng mga mangingisda na malapit sa West Philippine Sea, inilunsad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang proyektong LAYAG-WPS o Livelihood Activities to Enhance Fisheries Yields and Economic Gains sa Subic, Zambales.
Pinangunahan nina National Security Council Deputy Director General Nestor Herico, Agriculture Undersecretary Drusila Esther E. Bayate, Presidential Assistant for Maritime Concerns National Coast Watch Council Secretariat Secretary Andres Centino, DA-BFAR National Director Atty. Demosthenes R. Escoto at Senator Cynthia Villar ang paglulunsad ng programa kung saan inisyal na livelihood inputs gaya ng gillnets ang ipinamahagi sa 100 fisherfolk, habang 50 kababaihang mangingisda ang sumailalim din sa post-harvest training.
Bukod dito, nag-turnover din ang DA-BFAR ng 62-footer Fiber Reinforced Plastic (RFP) vessels na kumpleto sa modernized fishing equipment sa ilang fisherfolk associations mula sa Central Luzon at Ilocos Region.
Kabilang sa target ng bagong proyekto ang mga fisherfolk sa Ilocos, Central Luzon, at MIMAROPA.
Kasunod nito, tiniyak ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., na magpapatuloy ang suporta ng pamahalaan sa mga mangingisda.
“Sa ating lokal na mangingisda, ipinaaabot ko ang aking taos-pusong pasasalamat sa inyong pagsusumikap na iangat hindi lamang ang inyong kabuhayan kundi pati na rin ang antas ng seguridad sa pagkain ng ating bansa. Bukod dito, kayo po ang nagsisilbing haligi sa pagtatag ng ating blue economy o ang likas-kayang paggamit ng mga yamang katubigan para sa pagpapalago ng ating ekonomiya at maging sa pangangalaga ng saribuhay at ekosistema ng ating mga karagatan,” Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📷: BFAR