Ititigil na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Motorcycle Taxi expansion o ang pagpapadami pa ng bilang ng mga motorcycle taxi na papasada sa kalsada.
Ayon kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz, head ng Technical Working Group para sa pilot study ng MC Taxi service sa bansa, magsusumite na sila ng rekomendasyon sa Kongreso ngayong Mayo hinggil sa resulta ng itinakbo ng MC Taxi service pilot study.
“Magsa-submit na ang TWG ng recommendation sa Kongreso ngayong Mayo ng resulta ng aming ginawa… ” sabi ni Guadiz.
Susundin na lamang aniya ng LTFRB ang anumang desisyon ng Kongreso hinggil sa magiging kalagayan ng mga MC Taxi service sa bansa.
Una nang nilinaw ni Guadiz na ang MC Taxi ay tugon sa problema ng pagkalat ng mga habal-habal na mga motorsiklo na nagsasakay ng pasahero ng walang permiso mula sa LTFRB.
Mas lehitimo aniya ang MC Taxi service dahil ‘trained’ ang mga driver at mayroon ding insurance ang mga pasahero nito.
Sa ngayon aniya ay may 51,000 slots ng MC Taxi sa Metro Manila.
Una rito, nagsagawa ng isang media forum ang Public Transport Coalition sa Quezon City upang ipanawagan sa LTFRB at kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maitigil na ang MC Taxi expansion. | ulat ni Merry Ann Bastasa