Nakikipag-ugnayan na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan kaugnay sa isasagawang tigil-pasada ng grupong PISTON at Manibela sa Lunes, ika-15 ng Abril.
Sa isang pahayag, sinabi ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na sa kabila ng nakaambang na tigil-pasada ay tiniyak nito na magbibigay ng libreng sakay ang pamahalaan para sa mga apektadong pasahero.
Hinimok din ni Guadiz ang mga sasali sa tigil-pasada na huwag pigilan ang ibang tsuper na pumasada at kumita para sa kanilang pamilya at mga pasahero.
Binigyang diin din ng opisyal na dapat makumpleto ang ‘jeepney consolidation’ sa April 30 na mahalaga para sa Public Utility Vehicle Modernization Program at alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Hinikayat naman ni Guadiz ang mga jeepney operator at driver na mag-consolidate na dahil hindi na muling palalawigin pa ang deadline.
Paalala ng LTFRB sa mga bigong magsama-sama sa isang korporasyon o kooperatiba ay makakansela ang kanilang mga prangkisa. | ulat ni Diane Lear