Naglabas na ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa driver at may-ari ng bus na nakabangga sa ilang motorsiklo at van sa Quezon City na ikinasawi ng tatlo katao at pagkasugat ng higit 11 iba pa.
Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II, suspendido na ng 90 araw ang drivers license ng driver habang inilagay na sa alarma ang Nissan Bus na may plate no. TXY 610.
Batay sa initial investigation ng LTO, binabagtas ng bus ang southbound ng Commonwealth Avenue noong Lunes, Abril 29, nang mawalan ng preno.
Bunga nito, binangga ang mga motorsiklo, isang taxi at UV Express Van na nagresulta ng serious injuries sa drivers at mga pasahero. Sugatan din ang ilang pasahero ng bus.
Tatlo katao ang ideneklarang namatay, isa sa kanila ang motorcycle rider at dalawang pasahero ng van.
Bukod sa LTO, may inihahanda na ring hiwalay na kaso ang Quezon City police laban sa bus driver na si Rolly Canapi Pascua.
Pinasisipot ng LTO ang driver at may-ari ng bus sa pagdinig ng LTO-NCR Office sa Mayo 9.| ulat ni Rey Ferrer