Binigyang diin ngayon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang importansya ng mabilis na pagproseso sa mga permit na inaaplayan para sa mga proyektong may kinalaman sa enerhiya.
Sa talumpati ng Punong Ehekutibo sa pagpapagana ng Cebu-Negros-Panay (CNP) 230-kV Backbone Energy Project, sinabi nitong dapat na maging mabilis ang proseso sa pag-iisyu ng permit pati na sa pagkuha ng ‘right of way’ para sa mga transmission system line project at distribution system.
Binigyang diin ng Pangulo na hindi dapat na ipagwalang bahala ang energy security na mas dapat aniyang masiguro habang lumalaki ang populasyon.
Kaya ang pagpo-proseso sa mga permit, hindi lang dapat mas mapabilis kundi dapat na mas mapaikli pa sabi ng Pangulo at malaki ang papel dito ng kolaborasyon ng national at local government gayundin ng mga nasa pribadong sektor.
Kaugnay nito’y inihayag ng Pangulo na nakikipagtulungan ang DOE sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para maalis ang mga road blocks at mabilis na mapalakas ang power transmission capabilities ng bansa. | ulat ni Alvin Baltazar