Nasabat ng Philippine Navy ang 1,070 Master Case ng hindi dokumentadong sigarilyo sa karagatan ng Batulaki, Glan, Sarangani nitong Sabado.
Nagsasagawa ng maritime patrol ang Multi-Purpose Attack Craft (MPAC) BA 492, ng 4th Boat Attack Division sa ilalim ng Naval Task Force 71 ng Naval Forces Eastern Mindanao, Philippine Navy, nang mamataan ang isang kahina-hinalang motorized banca.
Nang inspeksyunin ang motorized banca, dito natuklasan ang karga nitong kontrabando na nagkakahalaga ng mahigit ₱21.4-milyong piso.
In-escort ng BA-492 ang banca kasama ang 17 tripolanteng sakay nito sa General Santos City para i-turn-over sa mga awtoridad.
Tiniyak ni Naval Forces Eastern Mindanao Commander Commodore Alfonspin Tumanda Jr. na aktibong nagpapatrolya ang Philippine Navy para mapigilan ang mga iligal na aktibidad sa karagatan ng bansa. | ulat ni Leo Sarne
📸: NFEM