Nanindigan ang Department of Education (DepEd) sa posisyon nito na ipaubaya sa mga local school head ang pagpapasya kung kinakailangang suspendehin ang “in-person” classes at lumipat sa Alternative Delivery Modules.
Ito ang binigyang-diin ng DepEd kasunod na rin ng napaka-init na panahon dulot ng tag-init na pinalala pa ng epekto ng El Niño.
Sa isang pahayag, sinabi ng kagawaran na mainam pa rin ang localized assessment ng mga school head dahil mas batid nila ang sitwasyon sa kanilang lugar gayundin kung ano ang mas makabubuti sa kanilang mga estudyante at personnel.
Batay sa pinakahuling datos ng DepEd, pumalo sa 4,769 paaralan ang nagsuspende ng face-to-face classes at lumipat sa Modular at Online classes.
Katumbas ito ng mahigit 2 milyong
(2,482,507) na mga mag-aaral na naapektuhan sa National Capital Region (NCR) at mga rehiyon ng Ilocos, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol gayundin sa Western, Central at Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, at SOCCSKSARGEN.
Nangunguna sa mga pinakamaraming nagsuspende ang Region 6 o Western Visayas na nakapagtala ng nasa kalahating milyong mag-aaral na apektado matapos magsuspende ng “in-person” classes ang may 1,000 paaralan.
Habang nasa 168 na mga paaralan sa Metro Manila ang lumipat sa ibang paraan ng pag-aaral kung saan apektado rito ang nasa halos 400,000 estudyante. | ulat ni Jaymark Dagala