Umabot sa 53,878 na mga pasahero ng LRT-2 ang nabenepisyuhan ng Libreng Sakay ng Light Rail Transit Authority (LRTA) nitong Martes, April 9 bilang pakikiisa sa paggunita ng Araw ng Kagitingan.
Ang libreng sakay ay nagsimula ng alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.
Samantala, 32 mga beterano naman ang naserbisyuhan ng isang linggong Libreng Sakay sa buong operasyon ng LRT-2 nitong Philippine Veterans’ Week simula April 5 hanggang April 11.
Handog ito ng LRTA sa lahat ng mga pasahero ng LRT-2 at mga beterano ng Ikalawang Digmaan, alinsunod na rin sa hiling ng Department of National Defense para kilalanin ang kanilang mga kontribusyon sa lipunan.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera na ang Libreng Sakay ay pasasalamat at pagkilala sa sakripisyo ng mga beterano at ng ating mga modern-day hero. | ulat ni Diane Lear