Dumami pa ang mga naserbisyuhan ng Philippine Red Cross ngayong balik na sa Metro Manila ang maraming Pilipino buhat sa Holy Week break.
Batay sa datos ng PRC, mula sa mahigit 5,000 indibidwal kahapon, pumalo na ito sa mahigit 6,000 ngayong unang araw ng Abril.
Mahigit 5,000 sa mga ito ang kinuhanan ng vital signs, mahigit 300 naman ang minor cases kasama na ang panghihina ng katawan, pagkahilo at pagkapagod.
Mahigit 40 indibidwal naman ang naitalang major cases tulad ng pagkakaroon ng malalim na sugat, pagkalunod gayundin ang pagkahimatay.
Samantala, mahigit 30 namang pasyente ang kinailangang isugod sa ospital upang mas mabigyan ng atensyong medikal.
Nabatid na mahigit 200 ang itinalagang first aid stations ng PRC at mahigit 2,000 staff nila ang ipinakalat nitong Semana Santa. | ulat ni Jaymark Dagala
📷: Philippine Red Cross