Aabot sa 709 na pamilya ang isinailaim sa pre-emptive evacuation makaraang maglabas ng Tsunami Warning Alert ang PHIVOLCS bunsod ng pagtama ng magnitude 7.5 na lindol sa Taiwan kahapon.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang mga inilikas na pamilya ay pawang nagmula sa mga Rehiyon ng Ilocos at Cagayan Valley.
Matapos ang pagyanig mag-aalas 9 ng umaga kahapon, agad nagsuspinde ng klase ang mga paaralan sa mga bayan ng Badoc, Currimao, Pagudpud, at Pasuquin sa Ilocos Norte.
Gayundin ang mga paaralan sa limang bayan sa lalawigan ng Batanes, 12 sa Cagayan, at sa Divilacan sa Isabela
Bilang pag-iingat din, sinabi ng NDRRMC na kinailangang suspendehin ang pasok sa mga tanggapan sa Cagayan partikular na sa mga bayan ng Abulog, Ballesteros, Pamplona, Sanchez Mira, at Sta. Ana gayundin sa Divilacan sa Isabela.
Nabatid na agad ding inalis ng PHIVOLCS ang Tsunami Warning Alert sa mga nabanggit na rehiyon matapos hindi magpakita ng anumang epekto sa karagatan ang naturang lindol. | ulat ni Jaymark Dagala