Sinimulan na ngayong araw (Abril 19) ang payout ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region IX sa Zamboanga City para sa mga benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation sa bayan ng Jolo, Sulu.
Ayon kay Agnes Sia, Administrative Officer ng DSWD IX, makakatanggap ng tig-P3,500 ang may 4,194 kabuuang benepisyaryo nito sa buong bayan.
Inuna nila aniya abutan ng tulong pinansiyal ngayong araw ang mga mahihirap na pamilya mula sa barangay Asturias at Alat sa Municipal Tennis Court, Marina Street, Jolo, Sulu.
Habang, bukas naman hanggang Linggo ang sa iba pang barangay sa Jolo, saka isusunod sa darating na Lunes ang sa iba pang bayan sa lalawigan tulad ng Maimbung na may 2,789; Panglima Tahil, 1,250 at Pata, 500 benepisyaryo.
Nilinaw ni Sia na mula sa lokal na pamahalaan ang listahan ng mga benepisyaro ng AICS sa lalawigan na naisakatuparan base na rin sa pagsusumikap ni Congressman Samier Tan ng unang distrito ng Sulu. | ulat ni Fatma Jinno | RP Jolo